“ SABAY SABAY NA HAKBANG TUNGO SA MAUNLAD NA KINABUKASAN”
St. Christopher Academy of Nueva Ecija Inc.
March 29, 2017
Cinderella C. Sawit (Guest Speaker)
March 29, 2017
Cinderella C. Sawit (Guest Speaker)
“ SABAY SABAY NA HAKBANG TUNGO SA MAUNLAD NA KINABUKASAN”. Ang temang nagbigay sa akin ng isang katanungan! Sino-sino nga ba ang sabay-sabay na hahakbang tungo sa maunlad na kinabukasan? Nangangahulugan lamang na hindi ito iisa kundi ito ay sama-samang paghakbang.
Nanumbalik muli sa aking isipan ang mga kaganapan noong ako’y katulad ninyong isang musmos na mag-aaral. Paano ko nga ba nakamit ang Maayos na kinabukasan na tinatamasa ko ngayon?
Noong ako’y katulad ninyo na bata pa, hindi ako hinayaan na mag-isa ng aking nanay, mga kapatid, mga guro, mga kaibigan ; mga taong nagmamahal sa akin.
Sinabayan nila ako na humakbang upang makamit ko ang katagumpayan. Kaya mga bata ang nakamit ninyong katagumpayan sa araw na ito ay hindi lamang nagmula sa inyong sariling lakas at pagsusumikap ; kundi ito ay nagmula sa pinagsama-samang kakayahan, talino at galing, tibay ng loob ng inyong mga magulang, guro, mga kaibigan at ng inyong sarili. Hindi kayo, hindi tayo nag-iisa. Nandiyan din ang gabay ng Poong Maykapal upang makamit natin ang katagumpayan.
Sa bagong bahagdan na programa ng Departamento ng Edukasyon na tinatawag na K-12PROGRAM ay nangangailangan ng sama-samang paghakbang upang tayong lahat ay magtagumpay.
Sa mga magulang na nariririto ngayon, ang inyo pong mga anak ay muling hahakbang tungo sa panibagong yugto ng kanilang pag-aaral. Upang makamit nila ang kanilang mithiin ay kailangan ng inyo pong pagsuporta.
Sa mga guro at sa ating paaralan, lubos kong ikinagagalak bilang isa ring guro ang pagtugon ng ating punong tagapamahala ng St. Christopher Academy sa panibagong hamon ng Departamento ng Edukasyon na makiisa sa pag buo at pagkumpleto ng bahagdan simula Kinder hanggang Grade 12.
Isang magandang simulain ang ipinahihiwatig ng sabay-sabay na paghakbang ng bawat mag-aaral, mga magulang, mga guro at punong tagapamahala sa bagong programa ng ating paaralan na kumpletuhin ang K-12 PROGRAM para sa maunlad na kinabukasan.
Lahat tayo ay sama-samang magtatagumpay at wala ni iisa ang maiiwan sa paghakbang.
Mga bata, kapag ang inyong kaliwang paa ay nakatali sa paa ng inyong mga magulang at ang kanang paa ay nakatali sa inyong mga guro at tagapamahala ng paaralan. Maihahakbang ninyo ba ito ng kayo lamang? HINDI BA’T HINDI?. Ihahakbang ba ninyo ito ng patalikod? HINDI BA’T HINDI RIN?
Kaya mga bata, sa paghakbang tungo sa maunlad na kinabukasan, lagi ninyong tatandaan na hindi ninyo kayang mag-isa. Lahat tayo ay nararapat na sama-samang humahakbang sa hinaharap tungo sa maunlad na kinabukasan.
Sa oras na ito ay sasamantalahin ko na ang pagkakataon na pasalamatan ang lahat ng mga tao na naging bahagi ng aking buhay na tumulong , gumabay, nag bigay ng pag-asa , naghatid ng saya, at nagbahagi ng kanilang suporta para sa paghakbang ko sa buhay na puno ng pakikkibaka.
Salamat sa aking mga naging guro noong ako’y mag-aaral sa elementarya, ganun din sa aking mga guro sa sekondarya. (HINDI KO NA PO IISA-ISAHIN PA. MARAMING SALAMAT PO).
Salamat sa natatangi na hindi ko nakakalimutan na guro at tagapayo. Salamat Ginoong Crisanto A. Cruz sa pagiging isang maaasahan at mapagkakatiwalaan na naging kaakibat namin sa maraming pagkakataon nang kami’y bata pa. Ang taong saksi sa pagtitiis at pagsusumikap ng aming nanay upang kami’y mairaos lamang sa kahirapan.
Salamat din sa taong tinuring ko nang mga pangalawang magulang. Salamat ate Baby at Kuya Danny na tinuring ko na sa aking puso na pangalawa kong tatay sa kabila ng hindi ko naranasan na magkaroon nito. Salamat sa pagpapasenxa, walang sawang pagsuporta at pagmamalasakit ng inyong buong pamilya.
Maraming Salamat Mam Aloy! ang kauna-unahan kong tinawag at ipinagmalaking ninang ko noong ako’y bata pa. Ang taong kauna-unahang nagdala sa akin sa Jollibee, sa mall at ang taong nagbigay sa akin ng inspirasyon kung paano kumilos at manamit ng maayos. Ang pangalawa kong nakilala na napaka mapagbigay bukod sa aking Nanay. Natatandaan ko pa ang panahon na excited ako lagi kapag darating sya, dahil lagi kaming may pasalubong at kapag aalis, lagi kaming may pera na pangbaon.
Salamat po sa inyong lahat, sa pagtitiwala na ibinigay ninyo sa amin. Isang malaking karangalan na makilala at makasama po namin kayo mula sa aming pagkabata. Salamat sa pagbibigay ng malaking pag-asa upang makamit ko ang aking mga pangarap.
Sa aking pinakamamahal na Nanay, na nagtiyaga, nagsumikap , nagmahal at umunawa sa akin. Ang taong lubos lubosang pagpapasensyaa sa akin. Ang taong hindi ako iniwan hanggang huli. Salamat po sa mga sakripisyo at sa pagiging mabuting ina sa amin upang lahat kami’y mabigyan ng maayos na buhay sa kabila ng kahirapan. Salamat po sa pagturo sa aming mangarap at kamtin ito sa pamamagitan ng sipag at tiyaga. Salamat sa payo na hindi nawaglit sa aking isipan na ang “ Edukasyon” lamang ang tangi mong maipamamana sa amin. Ang sabi mo pa, mabibili namin ang lahat ng aming gustuhin balang araw kung kami ay mag-aaral ng mabuti. Kaya’t sinabayan ko ito ng ibayong pagsusumikap. Salamat sa maraming payo at walang sawang pagmamahal.
Salamat sa pagtaguyod mo sa aming pitong magkakapatid na kahit wala kang katuwang. Ibinigay mo parin ang buo mong lakas para sa amin.
Sa aking mga kapatid, maraming salamat!
Sa ilan naming mga kamag anak, maraming salamat po!
Sa aking bestfriend na laging nandyan; Tin-tin, maraming salamat.
Sa mga taong hnd ko nabanggit, salamat po!
Higit sa lahat ng nararapat na tumanggap ng pasasalamat at papuri ay ang Panginoong Diyos na ibinuwis ang kanyang buhay para sa ating mga kasalanan. Ang Diyos na nagbibigay ng kalakasan at katagumpayan sa ating buhay.
Mga mag-aaral, ang lahat ng aking pinasalamatan sa oras na ito ay ang mga taong nakasama ko sa paghakbang tungo sa masaya at maayos na buhay.
Inaanyayahan ko pong tumayo ang aking mga dating guro,Mam Aloy, Sir Cris, Nanay, mga kapatid ko, Ate baby , Kuya Danny , Tin Tin na aking bestfriend. Sila ang mga taong nagbigay sa akin ng inspirasyon. Sama -sama kaming humakbang tungo sa maunlad na kinabukasan, walang naiwang hindi nagtagumpay.
(Maraming salamat, maaari na po kayong maupo).
Ang isang batang tagapagwalis , tagapaglinis ng paaralan nuon na gumigising ng maaga upang maglinis lamang ng buong paaralan ay isa narin ngayong guro sa pampublikong paaralan.
Ang karangalang nakamit ko ay para sa mga taong ito at sa Diyos na buhay na nakasama ko sa paghakbang tungo sa isang maayos na buhay.
Sa inyo mga bata, nawa ay nauunawaan ninyo na ang katagumpayan ay hindi lamang nagmumula sa ating sariling kakayahan. Ang nakamit ninyong katagumpayan sa araw na ito ay hindi lamang nagmula sa inyong sariling lakas at pagsusumikap kundi ito ay nagmula sa pinag sama-samang kakayahan, talino, galing at tibay ng loob , sakripisyo ng inyong mga magulang, mga guro ,mga kaibigan at ng inyong sarili.
Sa aking pagtatapos, inaanyayahan ko na tumayo ang lahat ng mga mag-sisipagtapos upang palakpakan ninyo ang inyong sarili at ang mga taong naging bahagi ng inyong buhay na kasama ninyong hahakbang muli sa susunod na bahagdan ng inyong pagaaral.
Maraming Salamat at muli Magandang Araw sa lahat!!!
Comments
Post a Comment